Semplicemente Jerie

Tuesday, October 03, 2006

SEMBREAK


Habang patuloy na pumapatak ang malakas na ulan sa labas, habang paunti-unting nauubos ang tinta ng bolpen kong ginagamit habang sinusulat ito, patuloy din sa paggalaw ang kamay ng orasan na nasa tabi ko.

Oras. Di tulad ng paghinto ng ulan sa aking bintana, ng paghihingalo ng bolpen kong gamit, ng pagtigil ng kamay ng orasan kong mahina na ang baterya – ang oras ay di ko mapatigil sa pagtakbo.

Ang bilis bilis niya, ni hindi ko man lamang namalayan.

Bukas, makalawa, wala ka na: isang pag-ibig na hindi man lamang nadugtungan, isang pag-ibig na agad agad mawawakasan. Malapit na akong magpaalam sa ngiting araw-araw kong pinagmamasdan, sa tinig na laging nagpapasaya sa akin, at sa mukhang bawat sandali ay nasa aking isipan.

Ngayon, nagsisimula ko nang bilangin ang mga nalalabing araw na makikita ka, kasabay ng paulit-ulit kong pakikinig sa kanta mo. Hindi mo alam na paborito ko na ito ngayon, hindi mo kasi ako pinapansin noon. Ano ba naman ako sa mata ng pinakamagaling na estudyante sa klase natin? Sa pinakahuwaran at pinakamasipag mag-aral? Makornihan ka na, pero sa paningin ko, ikaw ang langit – at ako ang mas mababang langit – sa klaseng iyon. Kaya naman hindi ko magawang batiin ka sa tuwing makikita kita. Ilang beses na rin pala kitang nakatabi subalit nahihiya ako sa iyo. Pero nalaman ko rin kinalaunan, mabait ka naman pala. At ang langit, naaabot din naman.

Nuwebe bente uno. Hindi ko maipaliwanag ang galak na nadama ko noong araw na makausap ka nang matagal at makita ka sa di inaasahang pagkakataon. Napagtanto ko, hindi naman pala puro kamalasan sa buhay ang nakukuha ko. May isa pang swerte – at ikaw yun.

Ikaw ang naging liwanag sa dilim na bumalot sa akin dulot ng sawing pag-ibig. Hindi mo alam na sa iyo ko kinukuha ang lahat ng aking lakas ng loob, ikaw ang naging inspirasyon ko.

Subalit ngayon, malapit nang dumating ang araw ng pagtatapos, ng pagtatapos ng mahigit apat na buwang pamamalagi natin sa 416. Ang mga tawanan, ang mga asaran at kulitan natin, ang lihim kong pagngiti kapag tumitingin ka, ang kilig na pilit na itinatago kapag lumalapit ka – lahat ng iyon ay magtatapos na.

At kapag dumating ang araw na iyon, malulungkot ako pero lubos na ipagpapasalamat na nakilala kita. Para saan pa ang pagluha, dahil alam ko – at hindi na kailangang umasa – na tayo ay magkikita pa.

nuevebenteuno
10/02/06

0 Comments:

Post a Comment

<< Home